Manix Abrera on copyright and making a living as an artist

In part 2 of my interview with comic book artist Manix Abrera, we go into issues like knowing your copyright and making a living as an artist.

Cotonerd: What are your current income streams?

Manix Abrera: Nakakaiyak talaga.

C: *laughs* Wala palang pera.

MA: *laughs*Hindi, joke lang. Gusto ko talagang gumawa ng comics, bata pa lang ako. Kaya sinabihan ako ng tatay ko: “Kung ‘yan ang gusto mong gawin, ang number na dapat isipin mo, walang pera dyan. Kung magkapera ka dyan, bonus na lang ‘yun. Pero ang mahalaga ay mahal mo ang ginagawa mo.”

So ‘yun lang ang inisip ko. Hindi ko inisip na makikilala yung gawa ko, magkakapera ako dito, or yayaman ako.

Idol ko rin kasi si Pol Medina ng Pugad Baboy, tapos magkaibigan sila ni Papa. Sabi niya sa ‘kin, ituloy ko lang ‘yung paggawa ng comics at maglabas lang ako ng book lagi. Halos lahat ng nilalabas ko sa dyaryo, i-compile ko into a book. Tapos ‘wag akong titigil. Dapat tuluy-tuluy-tuloy ang production ko ng comics.

Sinunod ko lang ‘yung payo niya at payo ni Papa na dapat mahal mo ‘yung ginagawa mo. After mga two or three years na pagco-comics nilapit ko siya sa Visprint. Nagreply sila na sige, i-sales talk mo kami para i-publish namin yan.

After a year, kinarir ko na. Sinulatan ko na ‘yung Visprint. Sila ‘yung nilapitan ko kasi nakita ko ‘yung mga ginawa nila: Bob Ong, ZsaZsa Zathurna. Gustung-gusto ko ‘yung mga ginawa nila. Pumayag sila, so ginawang libro.

Maiyak-iyak ako nung nahawakan ko na ‘yung first book ko. Hanggang ngayon, hindi ko makakaliutan yung moment na ‘yun. Sobrang special.

Nakakatuwa na maganda yung reception sa kanya.  Pero hindi pa ako kayang buhayin nun, so raket-raket ako sa magazines, sa ad agencies. Nung fourth book na [ng Kikomachine], dun ko lang naramdaman na, ay shet, kaya na akong buhayin nito. Pwedeng hindi ako ruamket ng matindi. Pwedeng mag-focus na lang ako sa komiks.

Naisip ko rin na ito yung gusto kong path talaga. Adventure ‘to sa kin, kakaririn ko talaga ‘to. Tsumamba na lang na nakilala siya. Hindi ko talaga alam. Mabait lang talaga ‘yung mga tao. Tapos tuluy-tuloy lang siya. Ngayon nasa book 12 na. Kaya niya na akong i-sustain, na hindi ko na kailangan mag-day job.

C: Publishing books involves signing contracts and knowing your copyright. When did you realize copyright is important?

MA: Nalaman ko nga ‘yan, late na in life. Nangyari rin sa ‘kin, ipu-publish na yung book ko, hindi ko na inintindi masyado ‘yung kontrata, pinirmahan ko na agad. Buti mabait ‘yung publisher ko. Kasi ngayon, may mga balita na maraming nanloloko kaya nakakatakot.

Importante na basahin mo ‘yung kontata at alamin ‘yung sinasabi niya. Kung hindi mo naiintidihan, talagang kulitin mo sila kung anong ibig sabihin nito. O magpatulong ka sa ibang marunong bumasa ng kontrata. Kasi dapat pwede kang makipag-negotiate lagi—para sa kung ano ang mas okay sa’yo, at pantay kayo ng publisher.

Tapos ang dami ko rin kasing naranasan, ‘yung mga raket ko noon pa. May ipapagawa sa ‘king artworks, cartoons, ganyan. Walang kontrata, usapan lang.

Nagawa ko na. Tapos nasa kanila na, nagamit na nila. Tapos ayun. Naglaho na lahat ng contacts ko. Hindi ko na sila matawagan. Hindi ko sila masingil.

Eh nung mga time na ‘yun, nahihiya pa akong matanong. Dun ko na realize na, mali to. Dapat nasusustentuhan ka. Kasi ginawa mo ‘yan eh, ginamit nila. Dapat hindi ka lugi.

Marami kong ganung karanasan. Kaya nga nung nakausap ko ‘yung NBDB [National Book Development Board], na gawa tayo para sa copyright, game agad. Kasi naloko rin ako dati. Kaya maganda na maipakalat niyo na may ganito rin tayong karapatan bilang creators. Huwag kang mahihiya kasi right mo ‘to eh.

C: How did you educate yourself about copyright?

Mahirap ‘yung akin kasi, ang dami ko nang napagdaanang hapis at pighati. Naloko ako, ganyan. Tapos umiyak-iyak ako sa tatay ko.

Natuto talaga ako, after kong madapa. Kaya ngayon, bago kayo madapa, maganda na marunong na kayo. Para kung nadapa man kayo, hindi masakit. Kasi alam mong babangon ka lang. O hindi ka na madadapa talaga, kasi alam mo na from the start ‘yung mga iiwasan.

C: What is your advice for new authors and illustrators?

Kung may gagawin ka, mahalaga na mahal mo talaga. Napaka-importante nung feeling na wala akong pakialam, kung mamatay ako sa gutom, ganyan. Basta gusto ko lang siyang gawin.

Pero para magawa mo ‘tong gusto mong project, kailangan mo ring mabuhay. Trabaho ka muna, raket-raket. Swerte ka kung kaya kang buhayin ng love mo talaga. Pero kung hindi ka kayang buhayin, which is, mas usual talaga, okay lang yan. Ang mahalaga, ‘wag mo siyang bitawan.

‘Wag mo ring isipin na ito yung uso ngayon sa readers, itong genre ang gagawin ko. Kasi naikita ng reader kung nakibagay ka lang sa uso. Pero kunwari uso to, tapos gusto mo, gawin mo. Dapat wala kang pakialam kung ookrayin ka ng lahat. Kilalanin mo talaga ‘yung sarili mo.

Kung mahal mo talaga ‘yung ginagawa mo, lahat kaya mong hamakin. Corny man siya pakinggan, pero ‘yun ang natutunan ko sa lahat ng ito.

Tapos magco-conspire ang Universe, tutulungan pa sila ni God para maging okay ka. Basta gusto mo ‘yung ginagawa mo, wala kang inaapakang ibang tao, at wala kang sinasaktan.

C: As an artist, what do you think do you still have to learn?

Never ko talagang nakita ‘yung sarili ko na, ay successful. Tuwing magda-drawing ako, iniisip ko na ako lang magbabasa nito. Tsaka siguro ‘yung nanay at tatay ko, tapos malamang ookrayin pa nila ito. So kapag hindi ako natawa, kapag hindi ako na-move sa ginawa ko, hindi ko siya ilalabas.

Sa tingin ko ngayon, ang dami ko pang kakaining bigas. Kapag nagbibigay ako ng mga lectures, sinasabi ko, tayong lahat may iba-ibang styles. Yung mga tinuro ko, hindi niyo kailangang sundin, pero pwede niyong pagbasehan.

Ang dami ko pang inaalam at inaaral. Kaya dapat bukas ‘yung isip mo. Kuha ka lang ng kuha ng ideas. Aral ka lang ng aral. Mag-aral ka sa buhay. Marami kang matutunan. ‘Wag mong ikakahon yung isip mo na tapos ka na. Ito na ‘yung paniniwala ko. Ito lang ang gagawin ko.

Lagi ko nire-respect lahat ng mga nauna sa kin. Lahat ng mga artists, lahat ng mga tao. Kahit hindi ko trip ‘yung mga gawa nila. Kahit hindi ako agree sa kanila, I always respect kasi ang dami ko pa ring matutunan sa kanila.

Lahat tayo may kanya kanyang kwento. Ang dami nating matutunan sa isa’t isa. Lahat ng tao, may kwento ‘yan. May struggles tayong lahat. Kailangang nagtutulungan tayo para iangat ang isa’t-isa. Hanep di ‘ba?

C: Who should I interview next?

‘Yung tatay ko, si Jess Abrera. Hanggang ngayon, ang dami ko pa ring natutunan sa kanya.

Magandang mag-interview ng mga nagsa-start din. ‘Yung mga bagong creators. Kasi ibang-iba naman ang mga challenges ngayon. Ang sarap malaman ng both sides of the spectrum. Ang dami pa nating matutunan, at ang dami pa nating pupuntahan na napakasayang adventure. END.

Share this:
Like this:Like Loading...